Miyerkules, Abril 4, 2012

SAPATOS


Share ko lang, isa sa mga piece ko...

'Sang Kwento ng Sapatos...

‘Sapatos ay pangkaraniwang sapin sa paa na nag-sisilbing proteksyon para sa bawat taong nagsusuot nito sa mga bubog, matutulis, matinik, basa, dura, dumi at kung ano ano pang nakapandidiring bagay na pwede nating matapakan habang tayo’y abalang naglalakad at wala ng panahon upang tingnan ang kalsadang ating nilalakaran. Pananggalang din ito paltos na maaring idulot ng mainit at malikabok na lansangan.

Noong una ay ito lang din ang pagkakakilala ko sa aking sapatos ngunit sa 'di inaasahan, may masaklap na kwentong tungkol sa sapatos na humagupit sa akin nitong umaga lang…

Break time at gaya ng dati, mas ninais kong tumabay sa labas ng opisina para mag muni-muni at kahit papaano'y maipahinga ang mata sa maghapong pagkatutok sa mga papel at computer. Ito kasi ang oras ko upang makapag isip at makapag plano kung ano pa ng pwede kong magawa para mas kumita ng pera.

Sa isang bahagi ng kalsada, sa may kalye ng Ruby dito sa puso ng Ortigas, napansin ko ang isang delivery van na nakaparada gayun din ang mga sakay nito na abalang nagbababa ng mga karga nilang tila mga inimprentang "marketing materials" na i-de-deliver sa di kalayuaang gusali ng Jollibee Plaza.

Tatlong tao ang sakay ng van. May isang driver at dalawang pahenante… ang dalawang pahenante ang naka-toka sa pag deliver ng materials at ang bawat isa sa kanila ay may tangan na mga walong nakabalot na mabibigat kahon sa kani-kanilang likuran.

Nasa kalagitnaan na sila ng kanilang paglalakad patungo na sana sa gusali ng mapansin ng isa na walang suot na sapatos ang kasama. Agad nya itong sinita at pilit na pinabalik sa van para pag suot-in ng sapatos.

Halatang nalungkot ang pahenante at narinig ko ang pakiusap nya. “Kuya, baka naman pwede na ito wala akong sapatos eh…”. “Hindi pwede, di tayo papapasukin ng gwardya” sagot naman ng isa na mukhang iritable.“Manghiram ka ke Joey (yun ata pangalan ng driver)”. Pinuntahan ng inutusan ang driver pero bumalik ito agad sabay nag-paliwanag “Kuya, masyadong malaki yung sapatos nya eh”,. Lalong nairita yung kanyang kuya, dahilan upang tumaas ng konti ang kanyang tono “Kahit na! sinabi ng mag sapatos ka eh!” sabay simangot.

Sumunod na eksena ay ang pagtuloy nila sa Jollibee Plaza na sya namang balik ko na sa opisina at nakasunod sa kanila.

Pinagmasdan ko ang dalawa… nalungkot ako kasi, sa hitsura ng isa e halatang 'di nya talaga uunahin ang bumili ng sapatos kesa sa pagkain nya. Sa tipo nya, parang mag kaka-sapatos lang sya kung sakaling may kamag-anak syang magbibigay ng kanyang pinalumaan. Heto sya, hirap na hirap sa bigat na dinadala para sa kumpanyang kanyang pinasisilbihan. Nag-pupumilit na mamuhay ng marangal subalit nahuhusgahan ang pagka tao dahil lang sa kawalan ng sapatos.

Suot nya ang nahiram na luma’t maalikabok, kulay itim na balat na sapatos, na sa sobrang laki ay pinagmukha syang t*ng* dahil hindi ito bumagay sa suot nyang cargo pants. Bagamat ganito, ito lang ang paraan para tangapin sya sa loob ng gusali…

Isang sapatos na kumumpleto ng kanyang pagkatao, ayon na rin sa itinuro at pinamulat ng ating mapanghusgang mundo…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento