Gimik sa mall, Hang out sa bilyaran, yosi dito yosi doon, pakikipagchat sa internet, inuman hanggang magdamagan habang nakikipag-jamming sa kasama ang mga barkada, at halos mapudpod na ang mga daliri sa pakikipag text at halos mamuti na ang mga mata sa pakikipag eyeball. Larawan ng normal na at karaniwang kabataan ngayon na nabubuhay sa makabagong panahon. Ang panahon na para bang cellphone at computers na ang naghahari at namumuno sa mundo. At ito ang mundo na pinipilit kong pasukin. Sila ang mga kabataan na ninanais kong pakisamahan dahil nais kong maging normal at karaniwang tulad nila. Sa araw-araw na ginawa ng diyos ay wala ng ginawa kundi ang magliwali at magpakasaya na para bang ganun lang kasimple ang buhay sa mundong ibabaw, na para bang walang mga problema at suliranin na kinakaharap.
Subalit lahat ng bagay ay may limitasyon. Ang maghapong pagpapakaligaya sa buhay ay may hangganan din. ang takdang panahon na pinaka-ayaw at kinaiinisan ko, ang oras ng aking paguwi. Sa bungad pa lamang ng aming bahay ay di na maikukubli ang kahirapang aking pilit na itinatanggi. Dahil ito ay nasasalamin sa sira sira at tila pinag-pyestahan na ng mga anay na barong-barong at tila ba isang bagyo na lang ang hinihintay at tuluyan ng magagapi. Pagbukas ko pa lang ng pinto at sasalubong na ang aking inang hindi mapakali sa paghihintay na kahit halos pumikit na ang mga mata sa sobrang antok ay di parin magawang humimbing dahil sa sobrang pag-aalala at pagkasabik sa aking pagdating.
Kahit pa nga naantig ang aking puso sa nakitang pagmamahal ang aking ina ay piliti ko parin itong itinatago, bagkus binabalewala ito at nagkunwaring wala man lang nakita o nasalubong. tumuloy ako sa hapag kainan kung saan nakahain na ang pagaking inihanda ng aking ina. Habang palapit ako dito ay unti-unting nanunuot sa aking pang-amoy ang halimuyak ng ulam n pinaka-ayaw ko sa lahat, ang tuyo na nung isang araw lamang ay nakahain din sa hapagkainan. kahapon lamang ay galunggong ang ulam. Haaaaay! Kelan kaya ulit ako makakatikim ng masarap na pagkain. kapag pasko, bagong taon, piyesta o sa birthday ko. Ah! basta! mabuti pa siguro matulog na lang at baka sakaling sa panaginip ay makatikim ako ng litson.
Sa sala ay nakita ko si amang himbing na himbing sa pagtulog, marahil ay nananaginip siya na namamasyal sa mga lugar na pinapangarap niyang pagdalhan sa aming mag ina. Isang malalim lang na buntong hininga ang aking pinakawalan habang pinagmamasdan ko ang aking ama. Nakangiti siya habang natutulog, marahil dito niya binabawi ang lakas na nawala sa kanya sa maghapong pakikibuno sa kanyang pagkayod upoang kahit papaano ay matustusan niya ang araw-araw naming pamumuhay. Ilang butil kaya ng pawis ang pumatak mula katawan ni ama kapalit ng bawat butil ng bigas na isinasaing ni ina? gaano kakapal na kalyo kaya ang tumutubo sa palad ni ama na halaga ng tuyo na nakahain sa aming mesa?
Bigla tuloy akong nagsisi sa ginawa kong pagtanggi sa mga pagkaing iyon. Hindi ko tuloy naiwasan ang magtanong sa aking sarili, normal kaya ang buhay ng isang batang tulad ko? na sa likod ng pagsasaya pilit itinatago ang katotohanang hindi n ganoong kadali ang buhay ngayon. Na sa bawat ngiti, ay may nagkukubling lungkot at sa bawat halakhak ay may nagkukubling luha. Na sa pagkukunwari kong nakakariwasa sa buhay upang buong puso akong tanggapin ng mga mabababaw kong kaibigan ay nababaliwala at nakakalimutan ko ang bawat dugo at pawis ni ama, ang bawat hirap at pasakit ni ina, ang pagmamahal at pag aaruga na ginagawa ng aking mga magulang. nakagat ko tuloy ang pag ibabang labi, kasabay ang unti unting pagdaloy ng luha sa aking pisngi na kanina pa gustong kumawala sa aking mga mata. ang mga luha na sa tuwina'y pinipigil kong pumatak dahil itoy simbolo ng aking kahinaan na ayaw kong ipakita at iparamdam sa kahit na sino. unti unti kong nilapitan si ama at sa kauna-unahang pagkakataon ay hinaplos ko ang kanyang pisngi at ginawaran ito ng isang mapagmahal at banayad na halik. kasabay ng pangakong pagbubutihin ko ang aking pag aaral upang hndi masayang ang bawat pagod at hirap niya na balang araw ay matutupad ko ang lahat ng pangarap niya para sa akin. na hindi na ako papayag na kahirapan sa buhay na dinanas namin ang magigisnan din ng aking mga magiging supling. Bagkus matatamis na Bunga at magandang Buhay ang ipapadama ko sa kanila. nagulat pa ako ng may banayad na dampi aking naramdaman sa aking balikat at ito palay ang mapagpalang kamay ni ina.
Agad akong tumindig at buong pusong binigkas ang mga katagang hindi ko alam kung paano ang tamang pagbigkas . Imbes na manumbat ay isang mahigpit na yakap ang kanyang ipinagkaloob sa akin. at bilang ganti ay isang pangako ang aking binitawan. " Bago pa man matapos ang itinakdang panahon ni Ama at ina sa Mundong ibabaw ay sisikapin kong ipada sa kanila ang pangaral, pasasalamat at pagmamahal na nararapat sa kanila. At pipilitin kong iparanas sa kanila ang mapayapa, masagana at maginhawang buhay na hindi pa namin nararanasan".
( one of the essay i read before during the time of my learning, isa ito sa mga nagustuhan ko at madalas kong binalikbalikan, some of the details was taken from the author of balatkayo (original version) was created by Dolores Pepania. )
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento